Si Duterte at kanyang pagiging duwag na ipagtanggol ang ating teritoryo
- Jezreel Ines
- Jun 25, 2021
- 3 min read
Updated: Jun 26, 2021
Noong nakaraang buwan, 258 na Chinese vessels ang namataang nakaistasyon hindi lamang sa Julian Felipe Reef kung hindi pati na rin sa iba’t ibang bahura sa loob ng West Philippine Sea. Dahil dito, muling umingay ang naging pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang kampanya noon na siya ay sasakay ng jet ski at itatayo ang watawat ng Pilipinas sa Spratlys upang igiit ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Ngunit nito lamang, sinabi ng Pangulo na ang kanyang pahayag na ito ay pawang biro lang at tinawag niya pang “tanga” ang mga naniwala dito dahil ginawa niya raw lamang ito para sa kanyang pangangampanya noon.

Sa madaling salita, itinuring niya lamang na katatawanan ang panganib at kahirapan na nararanasan ng mga Pilipinong umaasa sa West Philippine Sea.
Nakadidismaya ang ganitong pahayag ng Pangulo sapagkat malinaw niyang ipinapakita na walang maaasahan ang mga Pilipino sa kanyang administrasyon sa pagtatanggol ng bansa mula sa pilit na pangangakamkam ng bansang Tsina sa ating teritoryo.
Kung titingnan, una pa lamang ay naging inutil at duwag na ang administrasyong Duterte sa pagsanggalang ng karapatan nito sa sarili nating teritoryo.
Isang malaking tagumpay na kung tutuusin ang pagkapanalo ng Pilipinas sa The Hague Ruling noong 2016 sapagkat dito makikita ang opisyal na pahayag na sa atin ang pinag-aagawan sa West Philippine Sea– nagsisilbing isang patunay na maaaring gamitin sa paggiit ng karapatan natin sa pinag-aagawang teritoryo.
Ngunit dahil sa kapabayaan ng administrasyong Duterte, unti-unti ng nawawala sa ating mga kamay ang West Philippine Sea.
Kahit pa sabihin na kinikilala ni Duterte ang nasabing ruling, walang naging konkretong polisiya ang kanyang gobyerno upang igiit ito, bagkus ay paulit-ulit pa niyang binalewala ang panghihimasok ng Tsina at pagiging agresibo nito sa teritoryo ng Pilipinas.
Taong 2019 nang lumubog ang isang Filipino fishing vessel na Gem-Ver 19 sa Recto Bank matapos ito banggain ng barko ng Tsina at iwanan ang mga mangingisda sa gitna ng karagatan. Ang insidenteng ito ang unang beses na naging agresibo ang Tsina laban sa mga mangingisdang Pilipino matapos ang nangyaring stand off sa Scarborough Shoal noong 2012.
Bagamat sinabi na mismo ni Jonel Insigne, ang kapitan ng F/B Gem-Ver, na barko ng Tsina ang bumangga sa kanila naging malamig pa rin ang pagtanggap ng gobyerno sa nangyari at pinagdududahan pa ang mga mangigisdang Pilipino sa kanilang sinapit. Iginiit ng Palasyo na dapat magkaroon ng imbestigasyon sa nangyari kahit na saang anggulo tingnan, tayo ang naagrabyado sa ginawa na ito ng Tsina. Kung hindi dahil sa pagtulong ng mga mangingisdang Vietnamese, namatay na siguro ang ating mga mangingisda sa pagbangga ng barkong Tsina sa kanila.
Dalawang taon matapos ang nangyaring paglubog ng F/B Gem-Ver, inihayag ni Insigne na mas dumami pa ang mga barko ng Tsina sa pinangyarihan ng insidente at naging mas mahirap pa para sa mga katulad niya ang mangisda roon.
Kung kaya’t nakakapagtaka, hindi ba dapat tayo ang nakikinabang sa yamang matatagpuan sa sarili nating bakuran?
Noong kasagsagan ng pagdagsa ng Chinese vessels sa teritoryo ng Pilipinas,, matapang itong ini-report ni Chiara Zambrano. Sa kanyang report, ipinakita ang paghabol sa kanilang team ng isang barko ng Tsina, na isang lubhang mapanganib na tagpo kung tutuusin.
Gayon pa man, ipinagkibit balikat lamang ito ng gobyerno noong unang lumabas ang balitang ito. Walang naging konkretong aksyon ang gobyerno ukol dito at sinabing iimbestigahan ito. May pagkakataon pang nakatanggap si Zambrano ng mga puna at sinabing bakit siya nagpunta doon kahit alam niyang delikado. Kailan pa naging kasalanan ang paggiit ng karapatan sa sarili nating bakuran?
Kahit na kitang-kita sa mga larawan at bidyo ang naging agresibong aksyon ng Tsina, pinili pa rin ng gobyerno ni Duterte na isawalang bahala at magmaang-maangan na ipagtanggol ang ating teritoryo pati na rin ang mamamayan nito.
Isa lamang ito sa maraming pagkakataon na makikita natin kung nasaan ang prayoridad ng administrasyon ni Duterte at kung nasaan nga ba ang mga Pilipino dito. Tila ang mga Pilipino ang nagiging ‘second-class citizen’ sa sarili nitong bansa.
Nakalulungkot isipin ang hirap na dinaranas ng mga Pilipinong umaasa sa West Philippine Sea sapagkat itinuturing na biro lamang ni Duterte ang sitwasyong kinahinatnan nila. Tinawag niya pang tanga ang mga taong naniniwala sa kanyang pahayag na ipagtatanggol niya ang ating teritoryo.
Ngunit, malinaw na hindi mamamayang Pilipino ang tanga —siya mismo.
Kung patuloy ang kawalan ng gulugod, pesimistang pananaw, at pagiging tuta ni Duterte sa paggiit sa ating teritoryo sa West Philippine Sea, huwag tayong magugulat kung gigising na lang tayo isang araw na wala na sa atin ang teritoryo at tuluyan na itong maangkin ng bansang Tsina.
Hindi tayo nanghihingi ng giyera laban sa kanila sa paggiit sa ating teritoryo pero dapat tayo magkaroon ng gulugod man lang upang ipagtanggol kung ano ang pagmamay-ari natin. Ang bully na bansa gaya ng Tsina ay dapat labanan at hindi kaibiganin.
Para sa isang gobyernong mahilig makipag gyera sa mga itinuring nitong kalaban tulad na lamang ng pakikipagdigma nito sa mga rebelde at komunista, naging duwag ito sa totoong kalaban nito —ang mga Tsinong kumakamkam ng ating teritoryo.
Comments